Wednesday, June 30, 2010

Apat na elemento

Nais kong maging tubig...

Dumadaloy sa gripo ng bawat pamilyang Pilipino

Pamatid uhaw...

Pandadag sa kumakalam nilang mga sikmura

Malamlam man ang aking kulay pero kapag pinakuluan ay puwede na

Ako din ang bahala sa dumi at kati ng katawan

Isang buhos mo lang,presko na ang pakiramdam

Wisik dito,wisik diyan

Sahod dito,sahod diyan

Walang katapusan ang aking pag-agos

Wala ring kasiguraduhan ang dala kong ginhawa at sakit sa katawan

Bahala ka ng humusga sa aking katauhan

Basta alam köng darating ang panahon,hahanap hanapin mo din ang senswalidad na dulot ko.

Nais kong maging lupa...

Dito ko sisimulan ang pinapangarap mong tahanan

Isusunod ko ang pagbubungkal ng iyong posibleng pagtaniman

Prutas at gulay na tangi ninyong pinagsasaluhan

Hmmm.masarap na kamoteng kahoy sa hapag kainan

At mga magsasaka ang nagpapakahirap

Samantalang ang mga Panginoong may lupa ang nakakalasap

kaawa-awang senaryo

Kung di ka pa masaya..

Heto ang pahabol ko,ako ang bahala sa huli pong himlayan

Sagot ko ang malamig at presko mong higaan kung sakaling kunin ka na ni San Pedro.

Nais kong maging apoy...

Juan,huwag ka ng gumamit ng LPG

Andito na ako at handa ng magsilbi

Pataas ng pataas ang presyo nun

kaya sa akin ka na tumabi

ibibigay ko sa'yo ang kakaibang init ng gabi

Huwag ka ng malungkot

sabay tayong mag-aalab para lamunin ang rehimeng madamot

At itaas natin ang sulo ng pagpapanibago.

Nais kong maging hangin...

Na muling dadampi sa'yong magandang pisngi


magliliwaliw ako sa kahabaan ng Kamaynilaan upang sa'yoy magparamdam

Magbibigay ako ng preskong pakiramdam sa lahat

Ngunit kung sakaling makisabay ang maitim na budhi ng aking mga kalahi

Walang patumpik tumpik, mababawasan ang lahing Juan.




Ang apat na elemto ng lipunan

Hospital Phobia: A Lass' Confession

"Tik tok Tik tok", tunog ng kakaibang aparatu sa loob ng Lithotripsy Room. Humigit kumulang isang oras ang paghuhusgang nagpatahimik sa akin at sa aking ina. Namayani ang takot. Gusto nang lumuwa ng aking mga mata sa bill ng nasabing ospital bukod pa ang gamot na magsisilbing dugtungan ng buhay ng aking ama. Kung mayaman sana kami. Kung may malaki lang sana kaming savings sa bangko o di kaya'y dapat pala nagdoktor na din ako.Pero pano nga? Mahirap lang ang pamilyang kinabibilangan ko.

Malamig ang hanging dumadampi sa aking balat. Maganda din ang kuwartong kinakatayuan namin. Malayo sa buhay maralita. Isang oras na air conditioned moment ngunit pagkatapos nito balik ulit sa realidad ng buhay.

~Pagkatapos ng Paghuhusga~
Matapos ang tinatawag nilang "SHOCKWAVE" na ginawa sa aking ama,gusto ko sanang lumuha. Lumuha sa awa habang pinagmamasdan ang mga kulubot sa balat ni ama dala ng ilang taong pagtatrabaho. Habang nakadextrose si ama, gusto ko ng lumabas muna at makahanap ng malaking kuarta.Pero paano? Wala akong maisipang mapagkukunan ng pera. Nanlulumo ang aking kaluluwa. Sumasabay pa dito ang di maipaliwanag na itsura ng aking ina. Nag-aalala din siya gaya ng mga maybahay na nasa loob ng kuwarto ng paghuhusga ang kani kanilang mga asawa .

~Pag-aalala~
Tatlong oras na kami sa nasabing ospital. Habang tumatagal, nanghihina ang aking kabuuan. Nag-aalala para sa kalagayan ng aking ama. Sa totoo lang,takot akong pumunta sa ospital. Ayoko sa nakasusulasok na amoy nito. Ngunit sa pagkakataong ito,nilabanan ko ang takot at yun ay para sa aking ama. Tanging dasal ang makapangyarihan kong sandata sa kasalukuyan.

Halusinasyon Ng Buhay

Marahan kong inilapat sa lupa ang aking mga paa

Ngumiti

Tumingin sa kawalan

Hinanap ang kaibigang may tatlöng kamay

Muling umikot ang mga mata

Hinanap ang mumurahing telepono

Nang di makita

Ibinaling ang atensyon sa susunod na adyenda

Inayos ang patag na lungga

Inihanay ang malalambot na kayamanan kayakap magdamag

Marahang lumakad

Hinanap ang animo'y magandang repleksyon

Natakot?Nabigla?

Mali ang inaakala

Muli na namang ngumiti at ibinuka ang bibig

Kinuha ang personal na gamit

Naganap na muli ang araw araw na ritwal

Dahan dahan

At dapat maganda ang kalabasan

Nakingiti ang araw

Dumako sa tokador

Muli na namang naghanap

Nakahanap ng tamang porma

Isinuot ang mapormang uniporme

Lumabas ng pinto na parang may dadaluhan

Apat na buwan na ang ritwal na ito

Walang pinagbago

Paulit-ulit

Nakakasawa kung baga

Wala na daw siyang ginawang maganda ayön sa nanay niya

Akala niya kasi lalangoy na siya sa pilak

Magpapala ng ginto

O di kaya'y magbibilang ng diyamante

Muling nag-isip

May naalala

Tapos na ang labing apat na taon niya akademya

Wala pa ring pagbabago

Akala niya'y tapos na ang pagdarahop

Isang maling akala...

Ordinaryo pa rin ang lahat

At ngayo'y KATUGA na ang bansag sa kanya

Nasaan na ang sinasabi nilang "pangarap"?




Kung bakit ito ang pic ay di alam.

Friday, May 28, 2010

From rugs to riches: featuring Mr. Noel Koronel

"Hindi mo kasalanan kung ipinanganak kang mahirap ngunit kung mamatay kang mahirap ay kasalanan mo na",katagang maigting na binitiwan ni Mr. Noel Koronel,dating factory worker pero ngayon ay kumikita ng mahigit kalahating milyon kada buwan dahil sa DXN. Ayon sa kanya,networking ang dahilan ng kanyang biglang pagyaman at paglisan sa dating hirap nilang buhay. Hindi nya lubos maisip na magiging milyonaryo siya sa kabila ng pagiging highschool graduate.

Matapos kong dumalo sa seminar na naganap sa Tanauan branch ng DXN noong Marso 21 lalo kong naunawaan kung paano binago ng DXN ang buhay ng iba nating kababayan. Tama nga naman ang tagline ni Villar,kailangan natin ng SIPAG AT TIYAGA sa buhay para umasenso. At yun nga ang ginawa ni G. Koronel. Sa kabila ng kahirapan,patuloy siyang nangarap umansenso. Nakabili ng bahay at sasakyan para sa pamilya. Dagdag pa ni G. Koronel, na noong kinapanayam siya ng Extra Extra sa GMA 7 ay mariin nyang sinabi na sa paggamit niya ng produkto ng DXN ay malaki ang naging parte nito sa kanilang buhay. Hindi lang sila naging malusog kundi naging maayos din estado nila sa buhay

Estudyante 005

Walang pakundangan ang ginawa nilang panghahamak
Maging sa hanay ng mga estudyante sila'y nagpakitang gilas
Berdugong kung ituring silang sumisigaw ng karapatan
At kaaway daw ng lipunang kanilang naging sandigan.

Kabataang estudyanteng mapaghimagsik
Tinungo ang kapitolyo at doo'y sumisigaw na may panlilisik
Kanilang kinaharap masulasok at mabahong hangin
Ngunit di sila nagpadala sa delubyong nakabinbin.

Matapos ang panawagan pangmakabayan .
At manawagan sa mahal na paaralan para sa kanilang karaingan.
Heto at kanilang kinakaharap ang berdugong hustisya
Walang pinagbasehan at di makatarungan

Parang lamay sa eksena ang aking sinaksihan.
Kaawa-awa ang mga estudyanteng may nais ipaglaban.
Matapos ang mga health workers,ngayon nama'y sila.
Sino pa kaya ang susunod?
Nahihinuha ko na ang posibleng mangyari.
Marami pa,marami pa...

Who am I after my grad?

Matapos ang dalawanpu't apat na araw ng aking pagtatapos...

Marami ang nagbago. Oo. Wala na akong allowance,wala na ring mga assignment at project na dapat tapusin at higit sa lahat wala na ang mga kaklase kong napamahal sa akin.Matapos ko ngang magtapos sa kolehiyo sa kursong edukasyon,heto at paggawa ng sandamakmak na "resume" ang aking inaatupag. Sa kasamaang palad,wala pa rin akong trabaho. May nag-interes tawagan ako ngunit bigo ang pag-asang magkatrabaho. Sabihin na nating inaayawan ko ang 15 thousand a month with signing bonus.Tsk...Tsk...Mas gusto ko talagang magturo at kausap ang mga bata o kabataan kaysa sa mga "spoken dollar".

Aaminin ko. Masyado din akong abala sa mga gawaing pangkabataan dito sa aming lugar. Inaayos ang samu't saring programang pangfiesta at pampasaya sa tao. Nakaligtaan ko ng maghanap ng trabaho. Napansin ito ng aking mga magulang. Siyempre,napagalitan ako. Inaasahan kasi nilang magtatrabaho agad ako. Mahinahon kong pinaliwanag sa kanila ang dahilan. Sa haba ng sinabi ko parang ayaw pa nilang maniwala. Nahihirap tuloy akong magdesisyon. Hanggang ngayon,habang ginagawa ko ang lathalaing ito ay wala pa rin akong trabaho. Wala pa at nahihinuha kong malapit na. May private tutor naman ako pero hindi din yun sapat. Tatapusin ko lang ang eleksyong ito at pagtulong sa tito kong kumakandidato bilang konsehal ,aatupagin ko na ang aking personal na interes.

A love worth sharing for...

May 17,2010
Ngayon ko lang nasumpungang muling gumawa ng note gamit ang FB Mobile. Mas gusto ko talagang sa PC gumawa.Dala na rin marahil na masidhing damdaming sumulat at ipahayag ang tunay kong nararamdaman sa kasalukuyan kaya heto at matiyaga kong tinitipa ang keypad ng aking "cellphone". Magsimula ang aking kwento este sanaynay dito...
Natawa ako sa sarili ko nung malaman kong unti unti ko na palang nakakalimutan si Mr. You Know Who. Pano ba naman,makalipas ang halos na siyam na buwan na lihim na paghanga at pagiging "inspired" sa taong ito may nakilala akong bagong kaibigan. Isang kaibigan na ngayon nga ay naging inspirasyon ko na din. Ganun pa rin ang aking estado sa larangan ng pag-ibig. "One sided love" kung baga. Napapabuntong hininga na lang ako pero di naman nakakalungkot ang buhay ng pagiging NBSB...nakakapanlumo lang (char!). Gusto ko rin namang magmahal at mahalin. Sadyang wala pang nakalaan na tamang tao. Marahil sa tamang panahon pa ito darating.

~Balik tanaw,siyam na buwan ang nakakaraan~

Pakikibaka. Ipagpatuloy ang laban. Yan ang kalimitan nilang bukambibig at maging ako ay napasama sa kanila. Kabilang ako at si Mr. You Know Who sa isang pangkolehiyong organisasyon ng mga "student-journalist". Matapang at matalas ang aming panulat. Walang kinatatakutan. Walang makakapigil. Ito ang panahon ng aming unang pagkikita. Sabi ko nga sa iba kong kapwa manunulat," He's öne of a kind". Matindi ang paghanga ko sa taong ito. Hindi ko maipaliwanag. Namalayan ko na lang na parang umaasa na pala ako. Umaasa na mapansin nya at personal na kamustahin. Puro Gm(group message) ang aking natatanggap. Masaya na ako sa tuwing binabanggit nya ang aking pangalan sa txt o di kaya'y sumagot siya sa pm ko sa fb.

~Sino si Mr. You Know Who?~

Isang tipikal na lider-estudyante,manunulat at iskolar. Mahusay sa larangan ng panulat at walang kapares sa mga kaalamang panlipunan. Minsan,napagkakamalang suplado pero pinagtatanggol ko sa iba na mabait siya..di lang talaga siya palabati. Mahusay din na "sPEaker" at ako lang ata ang masayang nakikinig sa kanya.(ung iba kasi antok na dahil masyadong mahaba). Sa kabuuan,di ko pa rin siya ganun kakilala.Un bang mas malalim na pagkakakilanlan. Matagal pa marahil ang bubunuin ko para lubusan siyang makilala. Isang taon pa siguro o di kaya'y kailangan ko pa ng sampung taon.

~Ate,infatuation lang yan!~

May ilang nakakaalam ng lihim na pagkatao ni Mr. You Know Who. May ilan ring nakakaalam ng paghanga ko sa kanya. Sagrado ang usaping ito pagdating sa akin. Bawal ipaalam sa iba at higit sa lahat sa kanya mismo. Nahihiya ako. Oo. Kahit na tila nakakaramdam din siya. Mga kaibigan at kapwa ko kasama sa publikasyon ang nakakaalam nito. Hindi maganda ang kwentuhan kapag di kasama sa mga usaping pag-ibig. Lumalalim at tamang nagdedebate na kami kapag ito ang usapin. At dumating sa puntong ako ang nasasakdal. Ako ang naging tampulan ng komento at pinag-uusapan. Sabi ng isa, "Si ate,inlove na!uy". Humirit pa ang isa naming kasama, "Hindi yan love,munch...kalimutan mo na siya". Kung di ka ba naman magtampo sa sinabi ng pangalawa kong kaibigan,ewan ko. Lagi ding bukambibig ng iba na infatuation ang nararamdaman kong ito.

~Simpleng kaligayahan~

Ang mga bawat sms ,fs at fb comment niya ay walang katumbas na kaligayahan. Minsan nga,nabuklat ng aking kaibigan ang aking lumang kuwaderno. Nabigla siya at natawa sa nakita nya. Ano ito? Matatawa kayo at marahil magtatanong. Sinusulat ko ang bawat txt nya with matching date and time. FS at FB...NEVER kong dinedelete. Para ba akong ewan. Kayo na ang humusga.

~Paglimot~

Kahit na hindi nya alam ito,masaya akong naging parte siya ng buhay ko. Nandun pa rin ang paghanga ko sa kanya pero sa pagkakataong ito gusto ko na munang mag-isa at hintayin na lang muna ang muli naming pagkikita.

~Huling mensahe para sa isang espesyal na tao~

At para sa taong naging inspirasyon ko...salamat sa'yo.Oo, ikaw nga. Hindi mo man ito mabasa o di kaya'y malamam mo na ikaw nga ang tinutukoy ko,ok na ok lang sa akin. Lubhang nakakalungkot di ba? Parang ang drama ko ata. Masyado kasing naging malalim ang lahat sa akin at alam mo bang ikaw ang dahilan nito. Sa muli nating pagkikita, huwag kang mag-alala. Ngingitian pa rin kita. Kakausapin at higit sa lahat kakamustahin gaya ng dati. Hangad ko ang tagumpay mo sa propesyong pinili mo. Muli,salamat at adieu aking inspirasyon.PadayoN!;-)