Friday, May 28, 2010

A love worth sharing for...

May 17,2010
Ngayon ko lang nasumpungang muling gumawa ng note gamit ang FB Mobile. Mas gusto ko talagang sa PC gumawa.Dala na rin marahil na masidhing damdaming sumulat at ipahayag ang tunay kong nararamdaman sa kasalukuyan kaya heto at matiyaga kong tinitipa ang keypad ng aking "cellphone". Magsimula ang aking kwento este sanaynay dito...
Natawa ako sa sarili ko nung malaman kong unti unti ko na palang nakakalimutan si Mr. You Know Who. Pano ba naman,makalipas ang halos na siyam na buwan na lihim na paghanga at pagiging "inspired" sa taong ito may nakilala akong bagong kaibigan. Isang kaibigan na ngayon nga ay naging inspirasyon ko na din. Ganun pa rin ang aking estado sa larangan ng pag-ibig. "One sided love" kung baga. Napapabuntong hininga na lang ako pero di naman nakakalungkot ang buhay ng pagiging NBSB...nakakapanlumo lang (char!). Gusto ko rin namang magmahal at mahalin. Sadyang wala pang nakalaan na tamang tao. Marahil sa tamang panahon pa ito darating.

~Balik tanaw,siyam na buwan ang nakakaraan~

Pakikibaka. Ipagpatuloy ang laban. Yan ang kalimitan nilang bukambibig at maging ako ay napasama sa kanila. Kabilang ako at si Mr. You Know Who sa isang pangkolehiyong organisasyon ng mga "student-journalist". Matapang at matalas ang aming panulat. Walang kinatatakutan. Walang makakapigil. Ito ang panahon ng aming unang pagkikita. Sabi ko nga sa iba kong kapwa manunulat," He's öne of a kind". Matindi ang paghanga ko sa taong ito. Hindi ko maipaliwanag. Namalayan ko na lang na parang umaasa na pala ako. Umaasa na mapansin nya at personal na kamustahin. Puro Gm(group message) ang aking natatanggap. Masaya na ako sa tuwing binabanggit nya ang aking pangalan sa txt o di kaya'y sumagot siya sa pm ko sa fb.

~Sino si Mr. You Know Who?~

Isang tipikal na lider-estudyante,manunulat at iskolar. Mahusay sa larangan ng panulat at walang kapares sa mga kaalamang panlipunan. Minsan,napagkakamalang suplado pero pinagtatanggol ko sa iba na mabait siya..di lang talaga siya palabati. Mahusay din na "sPEaker" at ako lang ata ang masayang nakikinig sa kanya.(ung iba kasi antok na dahil masyadong mahaba). Sa kabuuan,di ko pa rin siya ganun kakilala.Un bang mas malalim na pagkakakilanlan. Matagal pa marahil ang bubunuin ko para lubusan siyang makilala. Isang taon pa siguro o di kaya'y kailangan ko pa ng sampung taon.

~Ate,infatuation lang yan!~

May ilang nakakaalam ng lihim na pagkatao ni Mr. You Know Who. May ilan ring nakakaalam ng paghanga ko sa kanya. Sagrado ang usaping ito pagdating sa akin. Bawal ipaalam sa iba at higit sa lahat sa kanya mismo. Nahihiya ako. Oo. Kahit na tila nakakaramdam din siya. Mga kaibigan at kapwa ko kasama sa publikasyon ang nakakaalam nito. Hindi maganda ang kwentuhan kapag di kasama sa mga usaping pag-ibig. Lumalalim at tamang nagdedebate na kami kapag ito ang usapin. At dumating sa puntong ako ang nasasakdal. Ako ang naging tampulan ng komento at pinag-uusapan. Sabi ng isa, "Si ate,inlove na!uy". Humirit pa ang isa naming kasama, "Hindi yan love,munch...kalimutan mo na siya". Kung di ka ba naman magtampo sa sinabi ng pangalawa kong kaibigan,ewan ko. Lagi ding bukambibig ng iba na infatuation ang nararamdaman kong ito.

~Simpleng kaligayahan~

Ang mga bawat sms ,fs at fb comment niya ay walang katumbas na kaligayahan. Minsan nga,nabuklat ng aking kaibigan ang aking lumang kuwaderno. Nabigla siya at natawa sa nakita nya. Ano ito? Matatawa kayo at marahil magtatanong. Sinusulat ko ang bawat txt nya with matching date and time. FS at FB...NEVER kong dinedelete. Para ba akong ewan. Kayo na ang humusga.

~Paglimot~

Kahit na hindi nya alam ito,masaya akong naging parte siya ng buhay ko. Nandun pa rin ang paghanga ko sa kanya pero sa pagkakataong ito gusto ko na munang mag-isa at hintayin na lang muna ang muli naming pagkikita.

~Huling mensahe para sa isang espesyal na tao~

At para sa taong naging inspirasyon ko...salamat sa'yo.Oo, ikaw nga. Hindi mo man ito mabasa o di kaya'y malamam mo na ikaw nga ang tinutukoy ko,ok na ok lang sa akin. Lubhang nakakalungkot di ba? Parang ang drama ko ata. Masyado kasing naging malalim ang lahat sa akin at alam mo bang ikaw ang dahilan nito. Sa muli nating pagkikita, huwag kang mag-alala. Ngingitian pa rin kita. Kakausapin at higit sa lahat kakamustahin gaya ng dati. Hangad ko ang tagumpay mo sa propesyong pinili mo. Muli,salamat at adieu aking inspirasyon.PadayoN!;-)

No comments: