Wednesday, June 30, 2010

Hospital Phobia: A Lass' Confession

"Tik tok Tik tok", tunog ng kakaibang aparatu sa loob ng Lithotripsy Room. Humigit kumulang isang oras ang paghuhusgang nagpatahimik sa akin at sa aking ina. Namayani ang takot. Gusto nang lumuwa ng aking mga mata sa bill ng nasabing ospital bukod pa ang gamot na magsisilbing dugtungan ng buhay ng aking ama. Kung mayaman sana kami. Kung may malaki lang sana kaming savings sa bangko o di kaya'y dapat pala nagdoktor na din ako.Pero pano nga? Mahirap lang ang pamilyang kinabibilangan ko.

Malamig ang hanging dumadampi sa aking balat. Maganda din ang kuwartong kinakatayuan namin. Malayo sa buhay maralita. Isang oras na air conditioned moment ngunit pagkatapos nito balik ulit sa realidad ng buhay.

~Pagkatapos ng Paghuhusga~
Matapos ang tinatawag nilang "SHOCKWAVE" na ginawa sa aking ama,gusto ko sanang lumuha. Lumuha sa awa habang pinagmamasdan ang mga kulubot sa balat ni ama dala ng ilang taong pagtatrabaho. Habang nakadextrose si ama, gusto ko ng lumabas muna at makahanap ng malaking kuarta.Pero paano? Wala akong maisipang mapagkukunan ng pera. Nanlulumo ang aking kaluluwa. Sumasabay pa dito ang di maipaliwanag na itsura ng aking ina. Nag-aalala din siya gaya ng mga maybahay na nasa loob ng kuwarto ng paghuhusga ang kani kanilang mga asawa .

~Pag-aalala~
Tatlong oras na kami sa nasabing ospital. Habang tumatagal, nanghihina ang aking kabuuan. Nag-aalala para sa kalagayan ng aking ama. Sa totoo lang,takot akong pumunta sa ospital. Ayoko sa nakasusulasok na amoy nito. Ngunit sa pagkakataong ito,nilabanan ko ang takot at yun ay para sa aking ama. Tanging dasal ang makapangyarihan kong sandata sa kasalukuyan.

No comments: