Wednesday, June 30, 2010

Apat na elemento

Nais kong maging tubig...

Dumadaloy sa gripo ng bawat pamilyang Pilipino

Pamatid uhaw...

Pandadag sa kumakalam nilang mga sikmura

Malamlam man ang aking kulay pero kapag pinakuluan ay puwede na

Ako din ang bahala sa dumi at kati ng katawan

Isang buhos mo lang,presko na ang pakiramdam

Wisik dito,wisik diyan

Sahod dito,sahod diyan

Walang katapusan ang aking pag-agos

Wala ring kasiguraduhan ang dala kong ginhawa at sakit sa katawan

Bahala ka ng humusga sa aking katauhan

Basta alam köng darating ang panahon,hahanap hanapin mo din ang senswalidad na dulot ko.

Nais kong maging lupa...

Dito ko sisimulan ang pinapangarap mong tahanan

Isusunod ko ang pagbubungkal ng iyong posibleng pagtaniman

Prutas at gulay na tangi ninyong pinagsasaluhan

Hmmm.masarap na kamoteng kahoy sa hapag kainan

At mga magsasaka ang nagpapakahirap

Samantalang ang mga Panginoong may lupa ang nakakalasap

kaawa-awang senaryo

Kung di ka pa masaya..

Heto ang pahabol ko,ako ang bahala sa huli pong himlayan

Sagot ko ang malamig at presko mong higaan kung sakaling kunin ka na ni San Pedro.

Nais kong maging apoy...

Juan,huwag ka ng gumamit ng LPG

Andito na ako at handa ng magsilbi

Pataas ng pataas ang presyo nun

kaya sa akin ka na tumabi

ibibigay ko sa'yo ang kakaibang init ng gabi

Huwag ka ng malungkot

sabay tayong mag-aalab para lamunin ang rehimeng madamot

At itaas natin ang sulo ng pagpapanibago.

Nais kong maging hangin...

Na muling dadampi sa'yong magandang pisngi


magliliwaliw ako sa kahabaan ng Kamaynilaan upang sa'yoy magparamdam

Magbibigay ako ng preskong pakiramdam sa lahat

Ngunit kung sakaling makisabay ang maitim na budhi ng aking mga kalahi

Walang patumpik tumpik, mababawasan ang lahing Juan.




Ang apat na elemto ng lipunan

Hospital Phobia: A Lass' Confession

"Tik tok Tik tok", tunog ng kakaibang aparatu sa loob ng Lithotripsy Room. Humigit kumulang isang oras ang paghuhusgang nagpatahimik sa akin at sa aking ina. Namayani ang takot. Gusto nang lumuwa ng aking mga mata sa bill ng nasabing ospital bukod pa ang gamot na magsisilbing dugtungan ng buhay ng aking ama. Kung mayaman sana kami. Kung may malaki lang sana kaming savings sa bangko o di kaya'y dapat pala nagdoktor na din ako.Pero pano nga? Mahirap lang ang pamilyang kinabibilangan ko.

Malamig ang hanging dumadampi sa aking balat. Maganda din ang kuwartong kinakatayuan namin. Malayo sa buhay maralita. Isang oras na air conditioned moment ngunit pagkatapos nito balik ulit sa realidad ng buhay.

~Pagkatapos ng Paghuhusga~
Matapos ang tinatawag nilang "SHOCKWAVE" na ginawa sa aking ama,gusto ko sanang lumuha. Lumuha sa awa habang pinagmamasdan ang mga kulubot sa balat ni ama dala ng ilang taong pagtatrabaho. Habang nakadextrose si ama, gusto ko ng lumabas muna at makahanap ng malaking kuarta.Pero paano? Wala akong maisipang mapagkukunan ng pera. Nanlulumo ang aking kaluluwa. Sumasabay pa dito ang di maipaliwanag na itsura ng aking ina. Nag-aalala din siya gaya ng mga maybahay na nasa loob ng kuwarto ng paghuhusga ang kani kanilang mga asawa .

~Pag-aalala~
Tatlong oras na kami sa nasabing ospital. Habang tumatagal, nanghihina ang aking kabuuan. Nag-aalala para sa kalagayan ng aking ama. Sa totoo lang,takot akong pumunta sa ospital. Ayoko sa nakasusulasok na amoy nito. Ngunit sa pagkakataong ito,nilabanan ko ang takot at yun ay para sa aking ama. Tanging dasal ang makapangyarihan kong sandata sa kasalukuyan.

Halusinasyon Ng Buhay

Marahan kong inilapat sa lupa ang aking mga paa

Ngumiti

Tumingin sa kawalan

Hinanap ang kaibigang may tatlöng kamay

Muling umikot ang mga mata

Hinanap ang mumurahing telepono

Nang di makita

Ibinaling ang atensyon sa susunod na adyenda

Inayos ang patag na lungga

Inihanay ang malalambot na kayamanan kayakap magdamag

Marahang lumakad

Hinanap ang animo'y magandang repleksyon

Natakot?Nabigla?

Mali ang inaakala

Muli na namang ngumiti at ibinuka ang bibig

Kinuha ang personal na gamit

Naganap na muli ang araw araw na ritwal

Dahan dahan

At dapat maganda ang kalabasan

Nakingiti ang araw

Dumako sa tokador

Muli na namang naghanap

Nakahanap ng tamang porma

Isinuot ang mapormang uniporme

Lumabas ng pinto na parang may dadaluhan

Apat na buwan na ang ritwal na ito

Walang pinagbago

Paulit-ulit

Nakakasawa kung baga

Wala na daw siyang ginawang maganda ayön sa nanay niya

Akala niya kasi lalangoy na siya sa pilak

Magpapala ng ginto

O di kaya'y magbibilang ng diyamante

Muling nag-isip

May naalala

Tapos na ang labing apat na taon niya akademya

Wala pa ring pagbabago

Akala niya'y tapos na ang pagdarahop

Isang maling akala...

Ordinaryo pa rin ang lahat

At ngayo'y KATUGA na ang bansag sa kanya

Nasaan na ang sinasabi nilang "pangarap"?




Kung bakit ito ang pic ay di alam.